Sinusuportahan ng mga Opisyal ng Pangkalusugan sa Bay Area ang Buong Personal na Pag-aaral sa Paaralan sa Taglagas

Ang mga Opisyal ng Pangkalusugan ng Bay Area na kumakatawan sa mga county ng Alameda, Contra Costa, Marin, Monterey, Napa, San Francisco, San Mateo, Santa Clara, Santa Cruz, Sonoma, at ang lungsod ng Berkeley ay sumusuporta sa pagbubukas ng mga paaralan sa California para sa full time na personal na pagtuturo para sa lahat ng mga baitang sa taglagas ng 2021.

Ang kakulangan ng personal na pag-aaral ay nakagambala sa edukasyon, nagpahina ng mga suportang panlipunan na ibinibigay ng mga komunidad ng paaralan, negatibong nakaapekto sa kalusugan ng kaisipan, at pinigilan ang pakikilahok sa mga ritwal at mga ibinabahaging yugto na nagpapatibay sa ating mga komunidad.

Mula noong Marso ng nakaraang taon, ang mga opisyal ng pangkalusugan ng Bay Area at mga lokal na departamento ng pangkalusugan ay nakikipagtulungan sa mga tanggapan ng edukasyon ng county, mga distrito ng paaralan, mga superintendente, at iba pang mga pinuno kung paano mahusay na maibigay ang kaligtasan ng lahat sa komunidad ng edukasyon.

Ang mga mananaliksik sa pampublikong pangkalusugan, ang Centers for Disease Control and Prevention, ang Departamento ng Pampublikong Pangkalusugan ng California, at mga lokal na departamento ng pangkalusugan ay natuto mula sa pagsasaliksik at mga karanasan ng pagtuturo sa silid-aralan mula noong taglagas ng 2020 hanggang sa taglamig at tagsibol ng 2021. Ang agham ay malinaw na ngayon na ang panganib ng pagkalat sa mga batang nagsusuot ng mga maskara ay napakababa, kahit na may nabawasang espasyo sa pagitan ng mga lamesa.

Sa Bay Area at sa buong estado, maraming mga kadahilanan ang nagpapahiwatig na ang mga kahihinatnan at panganib ng pagkalat sa silid-aralan ay mababa sa simula at mas lalong bumaba nang bumaba ang mga kaso sa komunidad. Mayroong mataas na bilang ng pagbabakuna sa mga taong may mas mataas na panganib ng malubhang sakit – kabilang ang mga matatanda at ang mga may mataas na panganib ng mga medikal na komplikasyon. Ang mga batang 12 at mas matanda ay kwalipikado na ngayon para sa pagbabakuna, at mayroong mababang pangkalahatang pagkalat sa komunidad.

Ang balangkas ng muling pagbubukas ng Departamento ng Pampublikong Pangkalusugan ng California para sa mga paaralan ay nag-aalok ng mga alituntunin para sa paglilimita sa pagkalat ng impeksyon at mga kinakailangan para sa panakip sa mukha, pangunahing paglilinis, pinahusay na bentilasyon, at iba pang mga pamamaraan upang mapadali ang ligtas na pagbabalik sa personal na pagtuturo. Maraming paaralan ang nagpatupad ng mga pamamaraang ito at nagpabalik ng mga estudyante at guro sa kampus.

Inihayag ng gobernador ang plano upang wakasan ang sistema ng antas sa Hunyo 15 at ganap na muling buksan ang ekonomiya ng California, hangga't ang supply ng bakuna ay mananatiling sapat upang matugunan ang pangangailangan at ang bilang ng mga pagpapa-ospital ay matatag at mababa.

"Ang mga estudyante, magulang, guro, coach – at kanilang mga pamilya – ay karapat-dapat sa aming pasasalamat para sa mga malalaking sakripisyo na kanilang nagawa," sinabi ni Dr. Sundari Mase, Opisyal ng Pangkalusugan at Direktor ng Dibisyon ng Pampublikong Pangkalusgan ng Sonoma County. "Panahon na upang lampasan ang modelo ng malayuang pag-aaral at bumalik sa buong saklaw ng pag-aaral at pagsuporta na ibinibigay ng ating mga komunidad ng edukasyon."

Hinihimok ng mga opisyal ng pangkalusugan sa Bay Area ang mga tagapangasiwa ng paaralan, guro, at magulang na magtulungan ngayon upang magplano para sa punong mga silid aralan para sa lahat ng mga baitang sa taglagas.

Category

News Releases (Tagalog)

Topic

©2023 County of Santa Clara. All rights reserved.