Hinihimok ng mga Opisyal ng Pangkalusugan sa Bay Area ang Publiko na Mag-ingat habang Tumataas ang Antas ng COVID

PARA SA AGARANG PAGPAPALABAS
Mayo 13, 2022

 

Idinidiin ng labindalawang opisyal ng pangkalusugan sa Bay Area ang kahalagahan ng paggawa ng mga pag-iingat sa kaligtasan, kabilang ang pagpapatuloy sa pagmamaskara sa mga panloob na lugar, habang nakakaranas ang rehiyon ng panibagong bugso ng mga kaso at hospitalisasyon sa COVID.

Ang Bay Area ngayon ang may pinakamataas na bilang ng mga impeksiyon ng COVID sa California. Ang kasalukuyang bugso ay dahil sa lubhang nakakahawang subvariants ng Omicron. Nakikita sa mga county ng Bay Area ang mga pagtaas ng mga naiulat na kaso, antas ng virus sa sewer sheds, at hospitalisasyon. Ang aktwal na mga bilang ng kaso ay mas mataas kaysa sa mga naiulat dahil sa laganap na paggamit ng home tests.

Inuulit ng mga opisyal ng pangkalusgan na ito ang kanilang patuloy na malakas na suporta para magmaskara ang mga tao sa mga panloob na lugar, panatilihing nakahanda ang tests, at tiyakin na sila ay up to date sa mga pagbabakuna sa pamamagitan ng pagkuha ng boosters kapag kwalipikado.

“Kung pinili niyong hindi magsuot ng maskara sa mga pampublikong panloob na lugar kamakailan, ngayon ang tamang oras na magsimula muli,” sabi ni Dr. George Han, Deputy Health Officer ng County ng Santa Clara Public Health Department. “Ang lubhang nakakahawang subvariants ay kumakalat dito. Kung dadagdagan ninyo ang mga layer ng proteksion gaya ng mataas na kalidad na maskara, pinapapababa nito ang inyong panganib at ang pagkakataon na kayo ay humawa sa iba.”

Ang nakakalungkot na yugto ng 1 milyong namatay mula sa COVID sa Estados Unidos ay nagbibigay-diin sa pangangailangan na patuloy na mapagbantay laban sa virus.

Bagaman hindi kinakailangan, ang pagmamaskara ay mariing inirerekomenda ng California Department of Public Health para sa karamihan ng mga pampublikong panloob na lugar, at sabi ng mga opisyal ng pangkalusugan na ang pagsusuot ng mga may mas mataas na kalidad na maskara (N95/KN95 o mahigpit na surgical masks) sa mga panloob na lugar ay isang tamang pagpili na makakatulong sa mga tao na protektahan ang kanilang kalusugan. Ang mga bakuna ay nananatiling pinakamahusay na proteksiyon laban sa malubhang sakit at pagkamatay mula sa COVID.

Sabi ng mga opisyal ng pangkalusugan na ang mga tao ay dapat ding manatili sa bahay kung sila ay may karamdaman at magpasuri kaagad. Hinihikayat din ng mga opisyal na magpasuri pagkatapos ng potensiyal na pagkakalantad at limitahan ang malalaking pagtitipon sa mga may mahusay na bentilasyon na espasyo o sa labas. Para sa mga tao na malamang na magkakasakit mula sa pagkakahawa sa COVID-19, ang mga paggamot ay available para mabawasan ang inyong pagkakataon sa malubhang sakit at pagkamatay. Kausapin ang inyong healthcare provider kaagad kung nasuri kayong positibo.

Ang pahayag sa itaas ay inindorso ng mga opisyal ng pangkalusugan mula sa mga county ng Alameda, Contra Costa, Marin, Monterey, Napa, San Benito, San Francisco, San Mateo, Santa Clara, Santa Cruz, at Sonoma pati na rin ang Lungsod ng Berkeley.

#          #         #

Sundan ang aming Twitter para sa mga update: @HealthySCC
Website ng County ng Santa Clara: http://www.sccgov.org/coronavirus
Public Health Facebook: https://www.facebook.com/sccpublichealth

Category

News Releases (Tagalog)

Topic

©2024 County of Santa Clara. All rights reserved.